Hindi na dapat pag-usapan pa ang pinalulutang na term extension ni Pangulong Rodirgo Duterte sakaling lumipat na ang Pilipinas sa pederalismo.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, paulit-ulit na aniyang sinasabi ng Pangulo na ayaw nitong magtagal sa puwesto at nais na nitong bumaba kapag ganap nang naamyendahan ang saligang batas.
Muli ding iginiit ni Roque na tuloy pa rin ang eleksyon sa 2019 kaya’t makaaasa ang publiko na matutupad pa rin ng mga ito ang kanilang mandato sa ilalim ng batas na pumili ng kanilang mga pinuno.
Magugunitang inihayag ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang posibilidad na mapalawig pa ang termino ng Pangulo gayundin ang mga mambabatas sa sandaling maaprubahan na ang isinusulong na charter change o Cha-cha.
Habang ilang ulit naman sinasabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang posibilidad ng ‘no election’ sa 2019 dahil kinakailangang magkaroon ng transitory period kapag natuloy ang pagbabago sa sistema ng gobyerno.