Naghain ng resolusyon si Agri Party-list Rep. Wilbert Lee upang hilingin na suspindihin muna ang implementasyon ng odd-even number coding scheme sa EDSA na nakatakdang ipatupad ng Metropolitan Manila Development Authority sa Hunyo 16.
Batay sa House Resolution 2294 na inihain ni Cong. Lee, dapat dumaan sa masusing socio-economic evaluation ang odd-even scheme gayundin ang pagpaplano ng alternatibong ruta at broad-based consultation para sa holistic at sustainable transport solutions.
Bagama’t napapanahon aniya ang layunin na mabawasan ang volume ng sasakyan sa EDSA, iginiit ng mambabatas na magiging pabigat lamang sa mga commuter, private car owners at micro, small, and medium enterprises o MSMEs ang implementasyon.
Aniya, walang maayos na public transport at konkretong alternatibong ruta sa ilalim ng naturang polisiya.
Iginigiit ng kongresista na dapat magsiguro ang MMDA ng efficient, ligtas at accessible na public transport system bago magpatupad ng odd-even scheme na lilimita sa mobility options.