Madalas ay iniaasa na natin sa mga CCTV cameras ang pagbabantay at pagsisilbing gwardiya sa mga pampublikong lugar pati na rin sa mga kabahayan. Pero maniniwala ba kayo na ginagamit ngayon ang hologram bilang bantay sa isang park sa Korea? Pero kahit na wala itong kakayahan na manghabol, epektibo umano ito sa kaniyang trabaho.
Kung ano ang resulta ng trabaho ng hologram na ito, eto.
Nagsimula lang bilang experiment ang pagde-deploy ng hologram ng isang pulis sa Judong no. 3 park na matatagpuan sa Jung-Gu, Seoul, South Korea para magsilbing paalala sa mga residente na handa ang mga pulis na rumesponde sa oras ng pangangailangan at para na rin mapigilan ang pagdami ng mga krimen.
Ayon kay Chief Ahn Dong-Hyun ng Jungbu Police Station, mayroong psychological impact ang hologram na ito sa mga tao na panatilihin ang kaayusan sa lugar.
Bagama’t hindi ito katulad ng tunay na mga pulis na may kakayahang manghuli at mang-aresto, sinabi ng seoul metropolitan police agency na bumaba ng 22% ang bilang ng mga krimen sa nasabing lugar matapos i-display ang hologram.
Dagdag pa ni Chief Ahn Dong-Hyun, gagamitin nila ang ai sa patuloy na pagpapalakas sa crime prevention activities na iimplementahan sa lugar para panatilihin ang kaligtasan ng mga tao, lalo na at nakitaan ng magandang resulta ang experiment.
Gayunpaman, hindi naging mainit ang pagtanggap ng mga netizen online rito at tinawag na modern-day scarecrow hologram. Tila hindi rin ito sineryoso ng isang netizen at nagbiro na bumaba lang umano ang mga naitalang krimen dahil sa takot ng mga tao sa mala-multong pulis.
Ikaw, sa tingin mo ba ay kakagatin ng mga tao ang ganitong pakulo sa Pilipinas?