Halos 50 sa 100% ng pamilyang Pilipino ang aminadong sila ay mahirap.
Ito’y batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) sa 1,500 adult respondents kung saan, 300 katao ang kabilang sa survey mula sa Metro Manila, Visayas at Mindanao; habang 600 naman sa Balance Luzon.
Naitala ang 49% na mahihirap na Pinoy mula sa Metro Manila, Visayas at Mindanao maliban sa Luzon kung saan, karamihan sa mga pamilya ang nagsabing sila ay nasa “borderline” na mayroong 29%.
Ayon sa SWS, may 12.6 milyong Pinoy ang self-rated poor families ngayong buwan na tumaas mula sa dating 12.2 milyong Pinoy noong June 2022.
Samantala, nakapagtala rin ng 34% ng pamilyang Pinoy na nagsasabing sila ay naghihirap sa pagkain; 38% ang nasa borderline; at 28% naman ay hindi salat sa pagkain.
Nabatid na ang paghihirap sa pagkain sa lahat ng lugar sa bansa ay tumaas maliban na lamang sa Balance Luzon.
Ang naturang survey ang kauna-unahang pagtataya o aktibidad na ikinasa ng SWS sa ilalim ng Marcos Administration.