Isa sa bawat tatlong mag-aaral sa grades one hanggang three o nasa halos 4.5-milyong estudyante ang hindi pa umaabot sa batayang pamantayan sa pagbasa.
Ito batay sa pinakahuling ulat ng Second Congressional Commission on Education, kung saan ang Comprehensive Rapid Literacy Assessment para sa school year 2025–2026 ay nagpakita ng resultang 33.42% para sa mga “low-emerging readers,” habang 30.87% ang “transitioning readers,” at 12.39% ang “developing readers.”
Samantala, 14.47% lamang ang nakababasa sa tamang antas na naaayon sa kanilang baitang.
Ayon kay Second Congressional Commission on Education Executive Director Karol Mark Yee, kinakikitaan ang resulta ng mahinang pundasyon ng mga batang Pilipino lalo na sa pagbabasa.
Lumabas din sa datos na karamihan sa mga nasa grade 3 ay dalawa hanggang tatlong taon nang nahuhuli sa numeracy kumpara sa kanilang kurikulum.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na kailangan ng agarang hakbang para mapatibay ang literacy at numeracy programs upang hindi na maipasa ang mahinang resulta hanggang kolehiyo at trabaho.