Umabot sa halos 30 kandidato sa Eastern Visayas para 2019 elections ang humiling ng police escorts dahil sa banta sa kanilang buhay.
Batay sa datos ng Regional Joint Security Control Center o RJSCC, nangangamba para sa kanilang kaligtasan ang naturang mga kandidato sa May 2019 elections.
Ang RJSCC ay kinabibilangan ng regional offices ng Commission on Elections o COMELEC, Police Regional Office o PRO sa Eastern Visayas at Philippine Army.
Ayon kay PRO-8 Director Chief Supt. Dionardo Carlos, aprubado na ang mga aplikasyon ng mga kandidato sa RJSCC level ngunit kailangan pa rin itong i-akyat sa COMELEC Central Office para maberipika bago i-deploy sa kanila ang police escorts.
Kasabay nito nagpaalala si Carlos na dalawa lamang na security personnel ang pinapayagan kada isang kandidato.
Sakali aniyang makitang higit sa dalawa ang kasamang bodyguard ng isang kandidato, kailangang magpaliwanag nito at maaring maalis ang police escorts sa kanila.