Aabot sa 1,322 na mga armas ang nakumpiska ng Philippine National Police (PNP) mula sa may 1,695 na indibiduwal na naaresto dahil sa paglabag sa pinaiiral na COMELEC gun ban.
Batay ito sa datos ng PNP Command Center matapos na makapagkasa ng may 1,575 na mga operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa mula nang umarangkada ang panahon ng Halalan.
Mula sa bilang ng mga naaresto ay pinakamarami pa rin ang mga sibilyan na nasa 1,631; sinundan naman ng mga Security Guard na nasa 26; PNP Personnel na may 15; mga Sundalo na nasa 9 at 14 na iba pa.
Maliban sa mga nakumpiskang mga armas, nakapagtala rin ang PNP ng 608 na mga nakumpiskang deadly weapons habang nasa 7,320 naman ang nasamsam na mga bala.
Nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa may pinakaraming naarestong gun ban violators na nasa 607, CALABARZON na may 186, Central Visayas na may 181, Central Luzon na may 171 at Western Visayas na may 88. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)