Kinumpirma ng Department of Science and Technology (DOST)-PAGASA ang opisyal na pagtatapos ng Southwest Monsoon o Habagat season matapos mapansing humina ito sa mga nakalipas na linggo.
Ayon sa PAGASA, ang paglakas ng high-pressure system sa East Asia at ang paglipat pa-timog ng intertropical convergence zone ang dahilan ng unti-unting pagbabago ng weather pattern sa bansa.
Ipinapakita rin ng mga forecast model na magpapatuloy ang trend na ito sa mga susunod na araw.
Sa pamamagitan ng mga obserbasyong ito, opisyal nang tinatapos ang Habagat season at ang panahon ng tag-ulan sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Sinabi pa ng PAGASA na ang bansa ay kasalukuyang nasa yugto ng paglipat patungo sa Northeast Monsoon o Amihan season, na inaasahang ideklara sa mga darating na linggo.
Patuloy na imo-monitor ng DOST-PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa buong bansa.