Binalaan ng Globe Telecommunications Company ang kanilang mga customer kaugnay sa mga nag-o-offer ng assistance online para sa sim registration.
Kasunod ito ng kumakalat sa social media na may ilang indibidwal ang nag-aalok ng kanilang serbisyo na babayaran ng mga customer.
Ayon sa Globe Telecom, dapat iwasan ng publiko ang mga nag-aalok online para sa pagpaparehistro dahil hinihingi ng mga ito ang personal na impormasyon ng mga subcribers partikular na ang larawan ng mga valid id, araw ng kapanganakan, cellphone number at address ng bahay.
Sinabi ng Globe Telecom, na kailangang maprotektahan ng mga sim users ang kanilang data security at privacy kung saan, libre naman at walng bayad ang pagpaparehistro ng mga sim card.
Iginiit pa ng naturang kumpaniya na delikado ang pagbibigay ng impormasyon lalo na kung hindi naman ito kakilala dahil maaaring gamitin sa panloloko ang identity ng mga subcriber katulad nalang ng pangungutang at pagnanakaw.
Sa 87.9 milyong sims na gumagamit, mahigit pitong milyon ang nakapagrehistro na sa ilalim ng globe network.
Maari namang bisitahin ang kanilang official website para sa rehistrasyon at sa iba pang mga katanungan.
Ang deadline ng sim registration ay magtatapos sa April 26, 2023; kaya pinapayuhan ang mga sim customer na magrehistro na upang hindi ma-deactivate ang inyong mga sim card.