Walang hinanakit at hindi masama ang loob ni dating PNP Chief Gen. Nicolas Torre the Third makaraang sibakin sa kaniyang puwesto bilang hepe ng Philippine National Police
Sa ambush interview sa Kamara, sinabi ni Torre na kaniyang nirerespeto ang naging desisyon na siya’y alisin sa puwesto maging ang opinyon ni dating PNP chief at ngayo’y Senator Panfilo “Ping” Lacson sa kaniyang ginawang hakbang sa PNP.
Sinabi ni Torre na wala siyang pinagsisisihan dahil sa tagal niya sa kaniyang serbisyo, hindi na umano bago ang ganitong uri ng sitwasyon.
Nang matanong naman kung handa siyang tumanggap ng bagong posisyon sa gobyerno, sinabi ni Torre na ayaw niya munang pangunahan ang desisyon at mas makabubuting hintayin na lang ang opisyal na announcement kung may iaalok mang bagong trabaho para sakanya.
Mananatili aniya ang kanyang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. maging sa buong administrasyon at handa pa rin aniya siyang maglingkod sa gobyerno.
Kinumpirma naman ng opisyal na nakatakda siyang mag-file ng leave of absence pero hindi pa napag-uusapan ang turn-over lalo’t wala pang abiso at 4-star general pa rin naman aniya siya.
Sa kabila nito, handa umanong magbigay ng payo si Torre sa bagong PNP chief na si Lieutenant General Jose Melencio Nartatez na aniya’y mahusay na police officer.
Nilinaw din ni Torre na “in good terms” umano sila ni DILG Secretary Jonvic Remulla.