Sa tindi init ng panahon ngayon, hindi mo dapat balewalain ang mga sakit na maaari mong ma-develop kahit gaano ka pa ka-healthy at active. Ganyan ang nangyari sa isang atleta at gymgoer mula sa Mexico matapos sumali sa isang competition na ginanap sa ilalim ng mataas na temperatura.
Ang buong kwento, eto.
Mayo a-dos, sa ilalim ng kainitan o temperatura na tinatayang aabot sa 35 degrees celcius nang lumahok ang 24-anyos na atleta mula sa Mexico na si Nayeli Clemente sa isang competition na tinatawag na Cholula Games, isang event na mayroong kaugnayan sa Crossfit o ang kilalang high-intensity workout program.
Binubuo ang cholula games ng iba’t ibang uri ng workouts na naka-sentro sa bilis at intensity ng mga kalahok katulad ng metabolic conditioning, squats, push-ups, gymnastics, running, weightlifting, at iba pang klase ng exercises.
Grupo-grupo nang isinagawa ang challenges ng nasabing competition.
Pero nang dumating ang oras para sa ‘team pyramid run’ o ang relay-style race kung saan salitan ang mga members ng bawat grupo sa pagtakbo, bigla na lang nahirapang huminga si Clemente at nawalan ng malay.
Mabuti na lang at kabilang sa mga nanonood sa nasabing event ang doktor na si Daniela Castruita kung kaya nabigyan ng CPR si Clemente habang hinihintay ang pagdating ng ambulansya.
Ngunit sa kasamaang palad, binawian din ng buhay si Clemente sa ospital dahil sa sudden cardiac arrest.
Naglabas naman ng statement ang Cholula Games at sinabing nakikipag-ugnayan sila sa pamilya ni Clemente para magbigay ng suporta sa mga ito.
Gayunpaman, pinutakte pa rin ng kritisismo ang Cholula Games dahil ipinagpatuloy pa rin umano nito ang event kahit na pumanaw ang isa sa mga kalahok nito.
Samantala, nagsagawa naman ng fundraising ang kuya ni Clemente na siyang nakalikom ng 270,000 dollars na ginamit para sa medical expenses dito.
Ikaw, sino sa tingin mo ang responsable sa insidente na ito?