Aprubado na sa ikatlo’t huling pagbasa sa mababang kapulungan ng kongreso ang panukalang magbibigay ng emergency passports at iba pang travel documents sa ilalim ng ilang pagkakataon.
Nitong Lunes o dalawang araw bago ang session break ng kongreso, umani ng botong 252 ang House bill 6510 o New Philippine Passport Act.
Alinsunod sa panukala na bibigyan ng emergency travel document ang isang Filipino na kailangang bumiyahe agad pero nawalan, napaso o mapapaso ng pasaporte o hindi pa na-i-isyuhan ng passport sa iba’t ibang kadahilanan;
Travel document certificate para sa mga Pinoy na i-re-repatriate, mga dayuhang may asawang Filipino at dependents na hindi pa naturalized at mga permanenteng naninirahan sa Pilipinas.
Maaari ring bigyan ng diplomatic passports ang secretary ng senado at secretary-general ng kamara.
Magpapatupad naman ang Department of Foreign Affairs (DFA) Ng sistema kung saan ang mga senior citizen ay papayagang mag-renew ng passport nang hindi na nangangailangan ng personal appearance gayundin ang pagbibigay ng 50% discount sa processing, issuance o replacement ng passport.
Sa sandaling maisabatas, maaaring patawan ng anim na taong pagkakakulong at pagmumultahin ng 2 million pesos ang sinumang lalabag.