Mariing itinanggi ni Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan ang kumakalat na alegasyon sa social media na anim na mambabatas ang nakakuha ng 800 billion pesos na halaga ng mga proyekto para sa flood control.
Sa pagharap ng kalihim sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, tinawag ni Bonoan ang naturang paratang bilang “preposterous” o lubhang katawa-tawa at walang anumang batayan, sa pagtalakay ng mga programa ng ahensya.
Binanggit naman ni Senior Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ang isyu, na tumukoy sa isang viral Facebook post na nagsasabing may ilang kongresista umanong nagmaniobra ng pondo para sa sariling interes.
Para sa kapakanan ng katotohanan, tinanong ni Suarez ang kalihim hinggil sa malisyosong post habang sinegundahan ito ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin at inalam kung may umiiral bang 800 billion pesos na alokasyon ang DPWH para sa anim na kongresista.
Gayunman, pinabulaanan ni Bonoan ang isyu at iginiit na wala ito sa kanilang record.
Samantala, nilinaw ni Committee Chair at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na hindi galing sa lehitimong media outlet ang alegasyon kundi mula lamang sa isang blog post sa Facebook.