Muling pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer hinggil sa pagbibigay ng mandatory 13th month pay sa mga manggagawa.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, maliwanag na isinasaad sa batas na hindi maaaring lumagpas sa December 24 ang pagbibigay ng 13th month pay.
Sa ilalim din aniya ng presidential decree 851, katumbas ng 1/12 o isang buwang basic salary sa isang taon ang halaga ng matatanggap na 13th month pay ng mga manggagawa.
Iginiit pa ni Bello, kabilang din sa mga dapat makatanggap ng nabanggit na benepisyo ang mga kasambahay.
Kasabay nito, hinikayat naman ni Bello ang mga manggagawang hindi makatatanggap ng kanilang 13th month pay na magsumbong sa DOLE.