Plano ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno na bumuo ng isang grupo ng mga sibilyan sa bawat barangay para makatuwang ng mga awtoridad sa kampanya kontra krimen partikular sa illegal drugs.
Sinabi ni Sueno na bubuhayin niya ang konsepto ng Alsa Masa sa Davao City subalit hindi magiging vigilante ang grupo.
Ayon kay Sueno, hindi aarmasan ang mga nasabing sibilyan na siyang magtuturo sa mga pulis ng mga tulak ng droga at tiwaling pulitiko.
Uubra rin aniyang magsagawa ng citizens arrest ang grupo.
Ipinabatid ni Sueno na pumayag na si Pangulong Rodrigo Duterte sa nasabing hakbang sa unang cabinet meeting nila at tanging bilin nito na gumawa lamang ng guidelines para hindi ito maabuso.
By Judith Larino | Jonathan Andal (Patrol 31)