Hinimok ng Department of Education (DepEd) ang publiko na makialam at magsumbong sa mga awtoridad hinggil sa mga insidente ng bullying o pambu-bully na kanilang nasaksihan.
Ito, ayon kay DepEd Director for Legal Services Suzette Medina, ay dahil sa walang lakas ng loob ang mismong mga biktima na magsumbong ng naturang insidente.
Kasunod ito sa nag-viral na video ng isang lalaking estudyanteng nasa junior high school na makikitang nambu-bully ng mga kamag-aral na sinusuntok at tinatadyak-tadyakan pa.
Nilinaw ni Medina na lahat ng klase ng pinsala, mapa-pisikal, mental o emosyonal na pinsala ay itinuturing nang bullying.
Batay sa datos ng DepEd hanggang Hunyo ngayong taon, mahigit 22,000 insidente ng bullying ang naitala sa buong bansa noong 2016 at 2017 malaking bilang nito ay mula sa Metro Manila.
Payo ni Medina, iwasan na lamang at huwag ng lapitan o sagutin kung meron mang mangyaring pambu-bully o pangungutya.
Pinakamagandang gawin aniya ay ang magsumbong agad sa mga awtoridad.
—-