Isinusulong ni senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang parusang kamatayan para sa mga opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa kasong plunder o pandarambong.
Sa ilalim ng kanyang Senate Bill No. 1343, iminungkahi ni Sen. Dela Rosa na amyendahan ang Republic Act No. 9346, o ang batas na nag-alis ng death penalty sa bansa, upang ipataw ang parusang bitay laban sa mga sangkot sa pandarambong.
Sa nasabing panukala, lethal injection ang iminungkahing paraan ng senador sa pagbitay.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagkakasangkot ng mga tiwaling opisyal sa mga maanumalyang flood control projects na ibinunyag mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay malinaw na ebidensya ng malawakang korapsyon sa pamahalaan.
Dagdag pa ni Sen. Dela Rosa, hindi sapat na pagkakakulong lamang ang parusa sa mga ganitong uri ng krimen na pumipigil sa mga mamamayan na magkaroon ng maayos na pamumuhay.