Hugas-kamay si dating DPWH District Engineer Henry Alcantara sa mga sinasabing ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan na nagkakahalaga ng 7.2 bilyong piso.
Ayon kay Engr. Alcantara, paulit-ulit niyang pinasuri sa kanyang mga tauhan ang mga proyekto sa kanilang nasasakupan at bandang huli ay nagsumbong umano siya kay dating DPWH Secretary Manny Bonoan na posibleng may kalokohan sa mga proyekto.
Sinita naman ni Senador Rodante Marcoleta ang dalawang proyekto sa Baliwag at Bulakan, Bulacan na lumilitaw na guni-guni o ghost projects.
Sinabi ni Senador Marcoleta na sa kanilang pagsusuri, aabot sa limampu ang ghost projects na imposible umanong hindi alam ng district engineer.
Nabatid na naging usap-usapan kamakailan sa social media ang ugnayan nina Senador Joel Villanueva at ang kontrobersyal na district engineer na si Henry Alcantara dahil sa paglutang ng ilang larawan na magkasama sila.