Sumambulat ang galit at pagkadismaya ng mga residente ng Barangay Gabu, Laoag City matapos bumigay ang bahagi ng bagong tayong flood control structure sa kahabaan ng Padsan River—isang proyektong nagkakahalaga ng mahigit ₱47 milyon na pinondohan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.
Ayon sa mga residente, ilang buwan pa lamang matapos ideklara ang pagkakakumpleto ng proyekto ay bigla na itong bumigay, dahilan upang muling mabunyag ang umano’y talamak na katiwalian sa mga flood control project. Sa mga larawang kuha sa lugar, makikitang bitak-bitak at nagkahiwa-hiwalay ang konkretong bahagi ng dike, habang nakalitaw ang mga bakal at gumuho ang lupa sa paligid.
Batay sa project billboard, ang kontrata ay ipinagkaloob sa RA Pahati Construction & Supply, Inc. sa ilalim ng DPWH Ilocos Norte First District Engineering Office, na nakatakdang makumpleto noong Oktubre 4, 2024.
Lumalabas na ang RA Pahati ay pag-aari umano ng pamilya Ceniza mula sa Pantukan, Davao de Oro—isang pangalang ilang ulit nang nasasangkot sa mga isyu ng bidding at proyekto sa imprastraktura.
Ibinulgar pa ng mga residente na isang alyas “Yeye”, na sinasabing kamag-anak ng pamilya Ceniza, ang nasa likod ng pagpasok ng proyekto sa Ilocos Norte.
Ayon sa kanila, si Yeye rin umano ang may impluwensiya sa pag-award ng mga kontrata sa lalawigan.
Mariin namang binigyang-diin ng ilang lokal na inhinyero na hindi dapat gumuho ang flood control structure dahil wala namang naganap na malakas na pagbaha o agos ng ilog sa mga nagdaang linggo.
Kakulangan umano sa tamang soil compaction, riprap foundation, at steel reinforcement ang dahilan ng pagkasira—na malinaw na indikasyon ng substandard workmanship at kapabayaan sa implementasyon.
Dahil dito, muling nabuhay ang usapin tungkol sa tinaguriang “flood control mafia” na ginagamit umano ang pondo ng DPWH bilang kasangkapan sa pamumulitika at pagkakakitaan.
Samantala, nananawagan ang mga residente at civic groups sa Laoag para sa isang malayang imbestigasyon upang mapanagot ang mga responsable at matigil ang ganitong uri ng katiwalian sa mga proyekto ng pamahalaan.