IGINIIT ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dapat ipatawag ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) si dating Marikina Rep. Stella Quimbo upang magpaliwanag sa umano’y P300 milyong pondong inilaan sa kanya mula sa Medical Assistance for Indigents Program (MAIP) ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Magalong, nabigla siya nang makita ang isang dokumentong nagsasaad ng malaking alokasyon ng pondo kay Quimbo, bagay na nag-udyok sa kanya upang kuwestyunin ang patas na pamamahagi ng MAIP funds.
“Isa sa mga dapat nilang imbitahan d’yan ay si former Cong. Stella Quimbo. Nagulat ako, I saw a document na sa DOH ‘yung MAIP funds… But surprisingly, meron siyang P300M na nakuha,” aniya.
Nilinaw ni Magalong na nakita niya mismo ang dokumento ngunit maaari naman itong beripikahin.
Gayunman, iginiit niyang ang ganitong uri ng alokasyon ay salungat sa prinsipyo ng “equitable distribution” ng pondo ng gobyerno.
“Dapat ang pinag-uusapan natin dito, dapat equitable eh, pero hindi equitable ‘yon,” dagdag pa niya.
Nauna nang binanggit ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Quimbo bilang kasama sa maliit na komiteng gumawa umano ng ilang insertions sa panukalang pambansang badyet para sa 2025.
Lumalabas din sa mga ulat na nakapagpatayo si Quimbo ng apat na proyekto sa kanyang distrito gamit ang mga kumpanyang pag-aari nina Sarah at Curlee Discaya, na sangkot umano sa ilang iregularidad sa pondo ng gobyerno.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng ICI kaugnay ng mga anomalya sa mga proyekto ng flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ilan pang opisyal at pribadong personalidad ang ipinatatawag upang magsilbing resource persons sa nagpapatuloy na pagdinig.
Hanggang ngayon ay wala pang pahayag si Quimbo hinggil sa isyu.
Si dating Cong. Zaldy Co, na isa ring mahalagang personalidad sa imbestigasyon, ay nananatili pa rin sa labas ng bansa at hindi pa humaharap sa ICI.