Mahirap ngunit tama ang naging desisyon at pagpili ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior kay Transportation Secretary Vince Dizon bilang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways.
Ito ang inihayag ni Senador Panfilo Lacson makarang igiit na matagal na niyang nasusubaybayan ang walang kapagurang pagtatrabaho ni Sec. Dizon, lalo na sa pagtugon sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ng transportasyon.
Hangad ni Sen. Lacson ang mabuting kalusugan ng bagong D-P-W-H secretary upang mahusay niyang magampanan ang mabigat na responsibilidad sa naturang kagawaran.
Samantala, tiwala naman si Senador Sherwin Gatchalian na maisasakatuparan ni Sec. Dizon ang kanyang tungkulin nang walang bahid ng katiwalian.
Ayon kay Sen. Gatchalian, isang mahusay na desisyon ang pagpili sa naturang kalihim na kilala bilang isang “action man” at may integridad sa pamumuno.
Binigyang-diin din ni Sen. Gatchalian na pangunahing dapat tutukan ni Sec. Dizon ang pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal at kontratista.
Ang pagpapanagot aniya sa mga sangkot sa korapsyon ang magbabalik ng tiwala ng publiko sa DPWH.