Tumaas ng mahigit 5% ang antas ng krimen sa buong bansa o katumbas ng 1,584 na krimen na naitala ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y batay sa datos ng PNP Command Center mula Pebrero a-22 hanggang Marso a-22 panahon kung kailan ibinbaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila gayundin ang marami pang lugar sa bansa.
Lumabas sa datos mula sa Directorate for Investigation and Detective Management and Crime Research Analysis Center na nakapagtala ang PNP ng 29, 798 krimen nitong Marso kumpara sa 28,214 na mga krimeng naitala nuong Pebrero.
Una nang sinabi ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año na dumami ang mga naitatalang kaso ng pagnanakaw sa buong bansa dahil sa pagluluwag sa galaw ng publiko matapos ang pandemiya.
Kasunod nito, pinag-iingat ng DILG at ng PNP ang publiko lalo na iyong mga magsisipagtungo sa matataong lugar o di kaya’y sa mga lugar bakasyunan ngayong panahon ng Tag-init. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)