Sinong mag-aakala na mayroong taong gagawa ng krimen nang dahil lang sa pagkahilig nito sa mayonnaise? Ganyan ang sinapit ng isang lalaki sa spain na biglaang nag-amok at sinunog pa ang kaniyang paboritong coffee shop nang dahil lang naubusan ito ng mayonnaise para sa kaniyang sandwich.
Kung ano ang sumunod na nangyari sa mayonnaise enthusiast na ito, eto.
Tila isang normal na araw lang nang bumisita ang isang hindi pinangalanang lalaki sa paborito niyang coffee shop sa Los Palacios y Villafranca, Spain kasama ang kaniyang anak na lalaki.
Umorder ang lalaki ng dalawang sandwiches at nanghingi ng mayonnaise sa nilapitan nitong waiter. Pero ang sagot ng waiter, wala na umano silang mayonnaise.
Pagkatapos nito ay ibang waiter naman ang hiningan ng lalaki ng mayonnaise pero kapareho lang ang naging sagot nito sa naunang waiter.
Ang lalaking bigo na makahingi ng paborito niyang mayonnaise, bigla na lang lumabas mula sa restaurant at nang bumalik ito ay muli itong nagbaka sakali at nagtanong na naman sa ikatlong pagkakataon kung mayroong mayonnaise ang café.
Nang hindi nito magustuhan ang narinig na sagot sa ikatlong pagkakataon, bigla na lang nitong ibinuhos sa bar area ng café ang kinuha nitong petrol sa isang gas station at bigla itong mag-walk out.
Nang magliyab ang apoy nagtakbuhan papalabas ng coffee shop ang mga customer ngunit agad din itong natupok ng mga staff gamit ang fire extinguisher.
Ang damage sa café, inabot ng $9,500 pero maliit lang umano ang iniwan nitong pinsala dahil sa mabilis na pag-aksyon ng mga staff.
Samantala, wala namang ibang iniulat na nasaktan sa insidente pero ang salarin, bukod sa nahuli ng mga pulis, ito lang din ang nag-iisang na-injure dahil nasunog ang kamay nito nang tumakas mula sa pinangyarihan ng krimen.
Sa mga mainitin ang ulo diyan, hinay-hinay lang at baka hindi mo makilala ang sarili mo kapag naubos ang pasensya mo nang dahil lang sa napakaliit na bagay at baka may magawa ka pang iligal.