Sa pag-upo ni Sec. Vince Dizon bilang bagong kawani ng Department of Public Works and Highways, sinimulan niya ang panunungkulan niya sa pamamagitan ng paghahain ng unqualified courtesy resignation sa iba pang kawani ng DPWH mula sa Undersecretaries, Assistant Secretaries, Bureau Directors, Service Directors, Projects Directors, at District Engineers para unti-unting linisin ang ahensya sa gitna ng kinakaharap nitong kontrobersya hinggil sa flood control projects.
Anim na buwan pa lang si Sec. Dizon sa DOTR nang iluklok siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa DPWH kung kaya inamin nito sa isang panayam na bilang baguhan sa ahensya ay kinailangan nitong hingin ang advise ng mga dating DPHW secretaries na sina Rogelio Singson at Jose ‘Ping’ de Jesus.
Sa kagustuhan ni Sec. Dizon na simulan ang paghahatid ng matapat at malinis na serbisyo ng ahensya, tinanong niya sa mga dating sekretarya kung ano ang naging proseso ng mga ito para siguraduhin na naihahanda nang tama ang pera ng DPWH.
Higit sa lahat, eto paniguradong magugustuhan to ng karamihan, kinonsulta rin ni Sec. Dizon kung paano ipa-practice ang transparency sa procurement ng ahensya nang sa ganon ay hindi na maulit pa ang katiwalian na ilang linggo nang gumagawa ng ingay sa bansa.
At eto na nga, malamang isa ito sa pinaka inaabangan ng marami. Nagpunta na si Sec. Dizon kasama si Commission on Audit Chair Gamaliel Cordoba sa Office of the Ombudsman para maghain ng reklamo sa tatlong contractors na may kinalaman umano sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Ito ang Wawao Builders, St. Timothy Construction Corporation, at Syms Construction Trading.
Bukod sa tatlong korporasyon na ito, mayroon ding mga pinangalanang indibidwal na kasama sa reklamo. Nangunguna diyan ang sinibak na sa serbisyo na si Bulacan First District Engineer Henry Alcantara; District Engineer Brice Hernandez na na-cite in contempt sa Senate Blue Ribbon Committee matapos ilang ulit na itinanggi ang kaniyang pagca-casino; Project Engineer Paul Duya; at Construction Section Chief Jaypee Mendoza.
At eto pa, hindi pa diyan nagtatapos dahil sunod namang aasikasuhin ni Sec. Dizon ang isasampang kaso sa mismong mga kawani ng ahensya na may kinalaman din sa anomalya.
Gayunpaman, maniwala kayo’t sa hindi, ganito man ang umiikot na isyu ngayon tungkol sa ahensya, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang bagong sekretarya na mayroon pang natitirang mga kawani ng DPWH na maaari pa ring mapagkatiwalaan sa kabila ng isyu.