Aminado ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na hirap silang tugisin kung sino ang mga nasa likod ng deepfake videos, lalo na ang mga ginagamit sa pornography o kalaswaan.
Ayon kay CICC Acting Executive Director Aboy Paraiso, madalas ay nasa labas ng bansa ang mga salarin sa likod ng ipinapakalat na deepfake.
Anya, ibang kaso ito kumpara sa pagtunton ng fake news at illegal gambling activities, dahil mahirap ma-detect ang deepfake sa social media.
Gayunman, nagpapasalamat naman ang opisyal sa mga social media platforms gaya ng Meta, sa mabilisang pag-aksyon para i-take down ang deepfake materials.
Matatandaang kamakailan lang ay nabiktima rin ng isang malaswang deepfake ang aktres na si Angel Aquino; gayundin ang anak ng social media influencer na si Queen Hera, kung saan ginamit naman ang larawan ng kanyang anak sa dark web.
Kapwa nagpahayag ng pagkondena ang dalawa laban sa deepfake porn sa kanilang naging pagdinig sa Senate Committee na pinamunuan ni Senator Risa Hontiveros na nag-iimbestiga sa nakababahalang deepfake.