Itinanggi ng China na binangga ng isang Chinese fishing vessel ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa bahagi ng Reed Bank sa South China Sea.
Sa ipinalabas na pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila, pinabulaan din nitong inabanduna ng bangka ng China ang mga mangingisdang Pilipino at sa halip ay tinangka pa umanong iligtas ang mga ito ng kapitan ng barko.
Batay sa kanilang paunang imbestigasyon, kinumpirma ng Chinese Embassy na nasa bahagi ng Reed Bank ang Chinese Vessel Yuemaobinyu 42212 noong Hunyo 9 nang bigla itong palibutan ng nasa pito hanggang walong bangkang pangisda ng mga Pilipino.
Nang paalis na anila ang Chinese fishing vessel, nabigo itong maiwasan ang isa sa mga bangka ng mga Pilipinong mangingisda dahilan kaya tumama ang kanilang steel cable sa nabanggit na bangka.
Sinabi rin sa kanilang ulat na nailigtas na ng ibang barko ang mga mangingisdang Pilipino kaya umalis na ang Chinese fishing vessel sa lugar.
Binigyang diin naman ng Chinese embassy na patuloy ang kanilang isinasagawang imbestigasyon at tiniyak na seryoso ang kanilang bansa sa paghawak sa isyu dahil binibigyang halaga nila ang pagkakaibigan ng China at Pilipinas.