PINANINIWALAAN na isang mag-asawang natalo noong May 2025 elections ang nasa likod ng disinformation campaign laban kay Special Assistant to the President Anton Lagdameo kaugnay sa mga isyung ipinakakalat sa Bangsamoro Automomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ito ang pahayag ni Maguindanao del Sur Congressman Esmael ‘Toto’ Mangudadatu hinggil sa mga isyu sa BARMM na sinasabing pilit iniugnay ni Sultan Kudarat Gov. Datu Pax Ali Mangudadatu kay Lagdameo upang dungisan ang tiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang special assistant. Buhat pa noong 2025 elections ay lantaran na umanong inihahayag sa publiko ng pamilya ni Gov. Datu Pax Ali ang paninira kay Lagdameo hanggang matapos ang halalan kung saan natalo sa mga kandidato ni SAP ang ama ni Datu Pax na si Suharto ‘Teng’ sa pagka-gobernador ng Maguindanao del Norte at ang ina nitong si Bai Marriam sa parehong posisyon sa lalawigan naman ng Maguindanao del Sur. Giit ni Cong. Toto, ngayong nalalapit ang October 13, 2025 BARMM parliamentary election ay muling mararamdaman umano ang partisipasyon ulit nina Gov. Datu Pax Ali at pamilya nito sa mga paninira kay Lagdameo. “Bukod sa luma at maling bintang na si Anton ang pangunahing dahilan ng hindi magandang resulta para sa senatorial lineup ng Alyansa nuong nagdaang May election ay pilit nilang iniuugnay si SAP sa mga kasinungalingang nasa likod siya ng mga pagtatangka na muling ipagpaliban ang October 13 BARMM parliamentary polls,” pahayag ni Cong. Toto. “Sa totoo lang ay si Anton ang nangunguna at aktibong sumusulong para sa ganap na pagkakaroon ng parliamentary government ng BARMM sa pamamagitan nitong paparating na October 13 election. At iyan ay sa utos sa kanya ng Pangulo bilang pagtupad sa pangakong mabigyan ng ganap na pagsasarili ang Bangsamoro region at mapanatili ang kapayapaan at progreso hindi lang sa rehiyon kundi sa buong Mindanao,” diin ni Cong. Toto. Kung maaalala, noong nagdaang mga linggo ay muling kumalat sa loob ng BARMM ang mga mali at mapanirang balita na si Lagdameo ang umano’y nasa likod ng hindi pagpasa ng BTA bill na magbibigay ng allocation para sa pitong upuan na dapat ay para sa mga kinatawan ng bumitiw sa BARMM na lalawigan ng Sulu. Sinasabing si Lagdameo rin ang isa sa mga naghahangad na muling ipagpaliban ang nakatakdang October 13 BARMM election. Subalit pinaniniwalaan na isang mataas na opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang nakikipagsabwatan sa ilang lider ng Bangsamoro upang ituloy ang halalan sa October 13 para sa 73 upuan ng BARMM parliamentary at ang para sa pito pang upuan para sa 80-member Parliament ay sa pamamagitan ng Presidential appointment or special election. Ipinalalagay na ang nasabing opisyal ng Comelec ang nasa likod ng umano’y mapanlinlang na kuwento na kesyo humihiling ng pagpupulong sa Presidente ang mga gobernador ng BARMM at nakiusap pa ang mga ito na huwag isama si Lagdameo. Lumalabas na ang interes umano ng pamilya nina Teng Mangudadatu ay nakatutok sa appointment para sa BARMM parliamentary seat kung hindi magtagumpay ang grupo nina Chaiman Abdulraof Macacua at Lagdameo na maisabay sa darating na October 13 elections ang pitong upuan ng Bangsamoro parliament at ang pagpuno nito ay sa pamamagitan na lamang ng pag-appoint ni Pangulong Marcos. Samantala, lumitaw ang mga alegasyon na ang inaasahan ng pamilya nina Teng Mangudadatu para sa pagkakataon na ma-appoint ay ang kanilang koneksiyon umano sa naturang poll official.
RONDA PROBINSYA
Lalaking paulit-ulit na naghamon ng away, patay sa pananaga ng kapitbahay sa Cebu
Nasawi ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kaniyang kapitbahay sa Moalboal, Cebu.
Ayon sa imbestigasyon, matagal nang may alitan ang biktima at ang suspek na kaniyang ring kapitbahay.
Naghamon umano ng away ang biktima at binato pa ang bahay ng suspek, na siya namang nagtulak sa salarin para gawin ang krimen.
Ayon sa suspek, naubos na ang kaniyang pasensiya sa mga ginagawa ng biktima.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa mga awtoridad at nahaharap sa kaukulang kaso.
Tila lumalala ang isyu sa pamamahala ng basura sa Clark, Pampanga—matapos italaga ng Clark Development Corporation ang Prime Waste Solutions o PWS sa Pampanga bilang bagong kontraktor sa pagkolekta at pagtapon ng basura.
Ito’y matapos ang mahigit dalawang dekadang kontrata ng Metro Clark Waste Management Corporation o MCWMC noong Oktubre 2024. Ayon sa CDC, hindi na ito maaaring i-renew alinsunod sa Build-Operate-Transfer Law.
Ngunit pinupuna ng ilang eksperto ang kakayahan ng PWS. Sa ngayon, isa lamang umano ang Materials Recovery Facility nito sa Porac, Pampanga—at walang sapat na pasilidad para sa tamang pagtatapon ng residual waste.
Naging kontrobersyal ang usapin matapos mapag-alamang may Environmental Compliance Certificate na ang PWS mula sa DENR, kahit umano walang naging public consultation o Letter of No Objection mula sa lokal na pamahalaan.
Sa kabila nito iginiit ng CDC na dumaan sa tamang proseso ang pagpili ng bagong waste management partner, at patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maayos, ligtas, at legal na pamamahala ng basura sa Clark.
Aminado ang Philippine National Police-Zamboanga na mahihirapan itong ma-rekober ang labi ng American vlogger na si Elliot Eastman matapos umamin ang isa sa mga dumukot dito na itinapon nila ang katawan ng biktima sa dagat.
Ayon sa pulisya, batay sa kwento ng suspek, namatay din si Eastman nang dukutin ito noong Oktubre a-disi syete ng gabi.
Sinabi ni PRO-9 Spokesperson Colonel Ramoncelio Sawan na kung iku-kunsidera ang lawak at lalim ng dagat, gayundin ang sunud-sunod na mga bagyong tumama sa rehiyon, ’tila imposible nang mahanap pa ang labi ng biktima.
Sa kabila nito, patuloy naman anila ang kanilang paghahanap sa labi gayundin sa mga suspek sa krimen. – sa panulat ni Laica Cuevas
Menor de edad, patay matapos mabundol ng rumaragasang rescue vehicle sa Quezon Province
Patay ang isang 10-anyos na batang babae matapos masagasaan ng rescue vehicle sa Calauag, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Mary Bithany Añonuevo, at ang suspek na alyas ‘Dexter’ 49-anyos.
Ayon sa imbestigasyon, nakatayo sa tabi ng kalsada ang biktima ng nangyari ang insidente, nawalan ng kontrol ang minamanehong rescue vehicle ni alyas Dexter, kung kaya’t nasagasaan niya ang biktima.
Dagdag pa rito, na ang driver ay nag positibo sa alak at nakainom habang nagmamaneho na mas nagpataas pa lalo ng posibilidad ng insidente.
Itinakbo pa ang biktima sa ospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, ang driver ng rescue vehicle.
2-anyos na bata na nalublob sa kaldero ng kumukulong tubig, binawian na ng buhay
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 2-taong-gulang na batang lalaki matapos malublob sa isang kaldero na may bagong kulong tubig sa San Fabian, Pangasinan.
Isang araw matapos ang aksidente, binawian ng buhay ang bata habang ginagamot sa ospital dahil sa malubhang paso sa katawan.
Ayon sa ulat, nagpakulo si alyas Navarro ng tubig upang gamitin para sa kanyang asawang may karamdaman.
Iniwan niya ang kaldero sa gilid ng kanilang bahay habang inaasikaso ang kanyang asawa.
Bigla na lamang nilang narinig ang iyak ng bata, na sa una ay inakala nilang nag-aaway lamang sa kanyang kalaro.
Ngunit nang mag-iba ang sigaw, agad nilang sinilip ang bata at natagpuang nakalublob na ito sa mainit na tubig.
Agad na inalis ni Navarro ang bata sa kaldero at dinala sa ospital.
Sa kabila ng mabilis na aksyon, hindi pa rin naisalba ang buhay ng bata at pumanaw kinalaunan.
Lalaki sa Sarangani, ginilitan ang kapitbahay dahil hinipuan umano ang kaniyang asawa
Hindi nagsisisi ang isang lalaki sa pagpatay sa kaniyang kapitbahay sa Malungo, Sarangani dahil sa atrasong panghihipo.
Ayon sa awtoridad, hinipua ng biktima ang misis ng suspek. Nang malaman nito ang ginawa sa kaniyang asawa umalis ito kasama ang pamilya ngunit ilang araw lamang ang lumipas ay ginilitan nito ang leeg ng biktima gamit ang karit.
Samantala, nahaharap sa kaukulang kaso ang nahuling suspek.
Dead on the spot ang isang rider matapos makabanggaan ang isang pampasaherong jeep ang kanyang motorsiklo sa North Caloocan.
Ayon sa mga awtoridad, namamasada ang jeep papuntang Fairview nang mag-overtake ito, kung saan paparating naman itong motorsiklo at doon nagkaroon ng banggaan.
Depensa naman ng driver ng jeep na mabagal ang pagpapatakbo ng isa pang jeep sa kanyang harapan kaya nag-overtake siya. Pabalik na umano siya sa lane nang makabanggaan niya ang kasalubong na rider.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang rider na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.
Nabatid na galing sa isang birthday-han ang bitkima baog ito maaksidente.
Hawak na ng pulisya ang driver ng jeep na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties.a
Lalaki sa Laguna, patay matapos aksidenteng maputukan sa singit ng sarili nitong baril
Dead on arrival sa ospital ang isang lalaki matapos aksidenteng maiputok ang baril sa sarili habang nag-iinuman kasama ang mga kaibigan sa Calamba, Laguna.
Kinilala ang biktima na si Reggie Ronda Galang.
Ayon sa awtoridad, kinuha ni Galang ang kanyang baril sa kanyang bag, ngunit nahulog ito sa sahig ng siya ay uupo sa monoblock, na nagresulta sa isang malakas na putok na tumama sa kanyang singit.
Agad naman siyang isinugod ng mga kaibigan sa ospital ngunit idineklara na itong patay.
Isasailalim ng mga awtoridad ang katawan ng biktima sa autopsy upang matukoy ang tunay na dahilan ng kanyang pagkamatay.
2 lalaki, patay nang pagbabarilin ng nakainuman; suspek, napatay sa bugbog ng mga residente sa Isabela
Nagulantang ang isang komunidad sa Ilagan, Isabela nang brutal na pagbabarilin ng suspek ang kanyang dalawang kainuman, na kalaunan ay pinatay din ng mga galit na residente sa pambububug.
Kinilala ang mga biktima bilang sina Marvin Jake Coloma at Charlie Rosete, habang ang suspek ay pinangalanang si Arnel Bielgo, ay namatay sa kamay ng mga residente.
Ayon sa mga awtoridad, nagsimula ang karumal-dumal na krimen nang biglang maghamon ng away si Bielgo sa gitna ng kanilang inuman.
Sa kasagsagan ng tensyon, naglabas ng baril at walang awa na pinaputukan ni Bielgo ang dalawa, na agad bumulagta sa tinamong tama ng bala sa katawan.
Nagtangkang tumakas si bielgo matapos ng krimen, ngunit hinabol siya ng mga kapitbahay na nakasaksi sa pamamaslang at ng mahuli, kinuyog nila ang suspek, hanggang sa malagutan ng hininga.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang anggulo ng alitan ng suspek at ng mga biktima.



