Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Cardona sa Rizal dahil sa problemang dulot ng napakaraming Water Hyacinths o Water Lily sa Laguna de Bay.
Ayon kay Cardona Municipal Administrator Rosita Ramirez, nasa 10 island barangay sa Cardona ang isolated dahil hindi makabiyahe ang mga bangka na ginagamit bilang transportasyon ng mga residente.
Bukod dito, apektado na rin aniya ang hanapbuhay ng mga mangingisda sa lugar dahil ilang linggo na rin silang hindi makapangisda dulot ng makapal na water liliy sa lawa.
Dahil dito pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ng Cardona ang magbigay ng pinansyal na tulong sa mga apektadong residente at mangingisda sa lugar.
Sinusubukan na rin ng lokal na pamahalaan na mag-spray ng kemikal sa mga water lilies para mamatay ang mga ito pero kanilang pinag-aaralan ang posibleng epekto ng kemikal sa mga isda.