Nanawagan ang Manila International Airport Authority o MIAA sa mga airline companies na unahin ang pagpapa-alis sa mga Overseas Filipino Workers o OFW matapos makansela ang kanilang biyahe dahil sa pag-crash ng Xiamen Aircraft sa runway ng paliparan.
Sa ginanap na press briefing ni MIAA General Manager Ed Monreal, pinawi nito ang pagkabahala ng mga OFW dahil sa pangambang mawalan ng trabaho sa pupuntahan nilang bansa.
Maiintindihan naman aniya ng mga employer ang nangyaring aksidente sa NAIA lalo na’t wala namang may gusto nito.
Hiling ni Monreal sa mga airline companies, makipagtulungan sa kanilang mga ginagawang hakbang at asikusuhin ng maayos ang kanilang mga pasahero dahil responsibilidad nila ang mga ito.
Hindi naman maitago ng MIAA official ang pagkadismaya sa ilang airline companies dahil sa hindi tinutugunan ang kanilang moral responsibilities sa kanilang mga naantalang pasahero.
“Ang unang isipin sana, hindi ko inoobliga sila at hindi ko sila minamanduhan. At the end of the day, let’s look at the side of humanitarian reason na siguro dapat magawan ng aksyon at mabigyan ng pagkakataon na asikasuhin naman ang ating mga pasahero. Again, walang may gusto nito, pwede nilang sabihin na hindi nila kasalanan but it’s the moral obligation na pwede ho nilang pagbigyan kasi on of the end of the day, kliyente ho nila yun. Doon nalang ho tayo manggaling, which more on maging matulungin sa pagkakataon hong ito na meron tayong sitwasyon na dapat gampanan.”
Pinaalalahanan naman ng opisyal ang mga pasahero na makipag-ugnayan muna sa mga airline companies bago magtungo sa paliparan ngunit pakiusap aniya sa mga stranded passenger, maging mahinahon at makipag cooperate lang dahil dadaan ito sa tamang proseso.
Bunsod nito, unti -unti nang nagbabalik sa normal ang operasyon ng NAIA Terminal 2 habang may malaki pang problema na kailangang ayusin sa terminal 1.
Sa ngayon, mas mabuti aniyang iwasan na muna ang magturuan dahil kanila nang iniimbestigahan ang insidente.
“Importante yung komunikasyon, importante yung detalye, importante ho ang information drive. Malaman ho ng mga pasahero na ang sabi ko nga ho, I encourage sana yung mga pasahero na before going to the airport, before coming in for a flight, tumawag muna ho sila sa mga airlines, tumawag muna sila sa mga travel agents and verify whether the flight is still on schedule, delayed, or cancelled.”