Ilalabas lamang ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth o SALN kung may wastong at lehitimong dahilan ang gagamit nito.
Ito ang pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na kabaligtaran sa naging hakbang ng ilang kongresista at senador na isapubliko ang kanilang SALN, matapos payagan ng Office of the Ombudsman ang mas malawak na access ng publiko rito.
Ayon kay Sec. Bersamin, bagama’t itinuturing na pampublikong dokumento ang SALN, hindi nila papayagan na mabuksan ito ng kahit sino nang walang malinaw na layunin o dahilan.
Iginiit ni Bersamin na naglalaman ang SALN ng sensitibong impormasyon na maaaring makapinsala sa seguridad at kaligtasan ng mga opisyal kung mailalantad nang walang pahintulot.




