Napatunayan ng isang hamak na bata sa kwento na ito ang kahalagahan at kapangyarihan na ginagampanan ng edukasyon sa buhay ng bawat tao. Dahil sa tulong ng isang educated na bata, maraming bakasyonista ang nakaligtas mula sa isang trahedya.
Kung paano nga ba nakatulong ang nasabing bata, eto.
Nagbakasyon ang pamilya ng noo’y sampung taong gulang na si Tilly Smith mula sa Oxshott, England sa Phuket, Thailand sa kaparehong taon na tumama ang malakas na Indian Ocean Tsunami of 2004 sa lugar kung saan mahigit isandaang libong katao ang binawian ng buhay.
Isang umaga habang naglalakad-lakad sa isang beach malapit sa hotel na tinuluyan ng pamilya, nakita ni Tilly ang pagbula ng tubig sa dagat. Inilarawan niya ito na foamy at inihalintulad sa pagbula ng tubig sa sizzling pan.
Mabilis na natukoy ng bata ang warning sign na ito at agad na inabisuhan ang kaniyang mga magulang na mayroong paparating na tsunami.
Noong una ay nahirapan pa si Tilly na kumbinsihin ang kaniyang nanay na mayroong paparating na panganib. Mabuti na lang at kalaunan ay naniwala ito at sumama pabalik sa kanilang hotel.
Agad itong ipinaalam ni tilly sa isang Japanese chef at security guard sa hotel na kapwa tumulong para ipakalat ang balita sa mga taong nagtatampisaw sa beach.
Ilang minuto lang matapos lumikas ang tinatayang aabot sa isandaang katao sa beach, tuluyan na ngang tumama ang malakas na tsunami sa dagat.
Ang pagiging observant ni Tilly ang pinaniniwalaang dahilan kung bakit nakaligtas ang mahigit isandaang katao sa beach. Sa katunayan, kabilang ang hotel na tinuluyan ng pamilya Smith sa iilang mga lugar sa Phuket kung saang walang naitalang casualties.
Pero ang mas nakakabilib sa lahat, natutunan lang ni Tilly sa kaniyang geography class ang warning signs ng tsunami dalawang linggo lang bago nangyari ang deadly incident.
Bukod pa riyan, nabigyan din ng pagkakataon si tilly na makilala si dating U.S. President Bill Clinton na dati ring U.N. Special Envoy for Tsunami Recovery.
Sa mga magulang diyan, siguraduhing edukado ang mga anak niyo, hindi lang para sa kinabukasan ng mga ito, kundi para na rin sa mga tao na nakapaligid sa kanila.