Minsan, hindi rin pala masama na malihis ng landas at mapunta sa ibang direksyon. Kagaya na lang ng isang bata mula sa Minnesota na hindi sinasadyang napaliko sa maling daanan habang nasa fun run at napasali sa mga matatanda. Bagama’t mas bata at mas maigsi ang mga biyas, nagawa nitong talunin ang mga adult runners at nauna pa sa finish line.
Ang dahilan kung bakit nalihis ng direksyon ang bata, eto.
Linggo ng umaga nang magpunta ang noo’y 9-year-old na si Kade Lovell sa isang fun run malapit sa tinitirhan nila sa St. Cloud, Minnesota, U.S.A kasama ang kaniyang nanay at lola para muling lumahok sa isang 5 km race.
Anim na taong gulang pa lang ay aktibo nang sumasali si Kade sa mga fun run kung kaya nahasa na ang resistensya nito na tumakbo nang mabilis sa murang edad.
Sa kalagitnaan ng pagtakbo, nakasalubong ni Kade ang isang staff na sinabihan siya na dumaan sa ibang direksyon ng kalsada. Bagama’t nagtataka, ipinagpatuloy ni Kade ang pagtakbo hanggang sa nagulat na lang ito nang mapahalo siya sa mga adult runners na naka-sign up para sa 10 km run.
Nagsimulang kabahan si Kade dahil sa pag-aakalang naliligaw na siya. Kasabay nito ay unti-unti na rin itong nakaramdam ng pananakit sa katawan dahil hindi inaasahang napahaba at napatagal ang pagtakbo nito.
Pagdating sa finish line ay bumungad kay kade ang nag-aalala niyang nanay kung kaya agad na nagpaliwanag ang bata na hindi niya sinadyang matagalan at mapasama sa 10k run.
Bagama’t naulanan, naligaw, at napagalitan ng nanay, ganon na lang ang gulat ni Kade nang lapitan sila ng isang staff at sinabi na sa lahat ng runners na sumali sa fun run, siya ang pinakaunang nakarating sa finish line.
Ang accidental achievement na ito ni Kade ay isang patunay na nagbunga ang palagian niyang pagtakbo at tatlong araw niyang pagte-training para sa junior olympics.
Ikaw, mayroon ka rin bang achievement na hindi mo inakalang maaabot mo?



