Isang barko ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Central Command ang ipadadala sa Biliran para maghatid ng relief goods sa mga naapektuhan ng bagyong Urduja sa lalawigan.
Ayon kay Central Command Spokesperson Colonel Medel Aguilar, prayoridad nilang ipadala ang mga pagkain, tubig at gamot para sa mga biktima ng baygo sa lalong madaling panahon.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa tatlumpu’t pitong milyong piso (P37-M) na halaga ng relief goods ang naipamahagi na sa mga nasalanta ng bagyo.
Tiniyak naman ni AFP Chief of Staff General Rey Leonardo Guerrero sa presscon ng Palasyo sa Biliran na nakahanda ang mga kasundaluhan na mag – abot ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Matatandaang isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Biliran gayundin ang bayan ng Carigara sa Leyte dahil sa bagyong Urduja.
Ayon kay Biliran Governor Gerardo Espina, matinding danyos ang iniwan ng bagyong Urduja sa kanilang lalawigan na binaha at nakaranas ng mga pagguho ng lupa.