Pinalagan ng Malacañang ang banat ni Senador Juan Ponce Enrile na naghahalintulad kay Pangulong Benigno Aquino III bilang “3-day President.”
Bunsod na rin ito ng ulat na inaabot umano ng 3 araw bago tumugon at kumilos si Pangulong Aquino sa mga mahahalagang kaganapan sa bansa tulad ng Mamasapano incident sa Maguindanao at marahas na dispersal ng mga magsasaka sa Kidapawan City, North Cotabato.
Ayon kay Presidential Comumunications Secretary Sonny Coloma, kahit kailan ay hindi nagpabaya ang Pangulo sa mga mahalagang kaganapan sa bansa.
Masinsinan aniya ang pagtutok ng Punong Ehekutibo sa bawat pangyayari upang matiyak ang agarang pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mga Pilipino saanmang dako ng mundo.
Binigyang-diin ni Coloma na katuwang ni Pangulong Aquino ang kanyang mga gabinete at iba pang opisyal ng pamahalaan at kumikilos ang mga ito bilang isang pangkat.
Binuweltahan din ng palace official si Enrile sa pagsasabing marahil ay nasanay na ang senador sa kahalintulad na estilo ng pamamahala ng kanyang Panginoon noong panahon ng Martial Law kaya’t panay ang batikos sa pamamahala ng administrasyong Aquino.
By Drew Nacino | Aileen Taliping (Patrol 23)