Bahagyang humina ang bagyong Lawin matapos itong mag-landfall sa lalawigan ng Cagayan, kagabi.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa bisinidad ngNueva Era, Ilocos Norte.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 205 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 285 kph.
Kumikilos pa rin ito pa-kanluran hilagang kanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahan namang lalabas na ito sa kalupaan bandang alas-8:00 hanggang alas-10:00 ng umaga ngayong araw.
Posible ring lumabas na ito ng Philippine Area of Responsibility o PAR bukas ng umaga.
Nakataas pa rin ang signal number 4 sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Apayao, Abra, Ilocos Sur, Mt. Province, Kalinga, Ifugao, at Calayan Group of Islands.
Signal number 3 sa La Union, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino at northen Aurora.
Signal number 2 naman sa Batanes Group of Islands, Pangasinan, nalalabing bahagi ng Aurora, Tarlac, Nueva Ecija at northern Zambales.
Samantala, signal number 1 naman sa natitirang bahagi ng Zambales, Bulacan, Bataan, Pampanga, Rizal, Quezon Province kabilang ang Polillo Islands, Cavite, Laguna, Batangas at Metro Manila.
By Jelbert Perdez