Sinong mag-aakala na mauuwi lang sa paghihiwalayan ang isang bagong kasal na magkasintahan sa India nang dahil lang sa hindi pagkakasundo ng mga alaga nilang pusa at aso? Sa sobrang pagmamahal sa kanilang pets, ang mag-asawa na lang ang nag-adjust at naghain ng divorce para lang sa kapayapaan nilang lahat.
Ang kwento ng maigsing pagsasama ng mag-asawa, eto.
December nitong nakaraang taon nang magpakasal ang isang magkasintahan mula sa Bhopal, India matapos ma-develop sa isa’t isa bilang magkaibigan na kapwa animal lovers.
Matapos ang kasal, nagsama na sa iisang bubong ang dalawa kasama ang kaniya-kaniya nilang mga alaga at namuhay na tila isang maliit na pamilya.
Pero ang mga pets na inaasahang magsisilbing stress reliever ng kanilang owners, naging source pa ng stress ng mag-asawa dahil sa palagiang pagbabangayan ng mga ito sa loob kanilang ng bahay.
Ayon sa babae, paulit-ulit na hinarass at inatake ng alagang aso ng kaniyang asawa ang alaga niyang pusa.
Ang depensa ng lalaki, malinaw niyang sinabi bago pa sila ikasal na hindi maaaring isama ng babae ang alaga nitong pusa sa kanilang bahay dahil baka lumapit umano ito sa kanilang fish tank.
Sa kabila ng makailang beses na pagsailalim ng mag-asawa sa counseling, nanaig pa rin ang pagmamahal nila sa kaniya-kaniya nilang mga alaga at pinanigan ang mga ito.
Samantala, dahil sa trouble na dinala ng kanilang pets, naging aso’t pusa na rin ang mag-asawa na tuluyang nauwi sa paghahain ng divorce dahil sa irreconcilable differences.
Kung ikaw ang mapupunta sa kaparehas na sitwasyon, sino ang kakampihan mo? Ang partner mo ang alaga mong hayop?