Kinumpirma ng Bacolod City Health Office na nakapagtala na sila ng unang kaso ng Mpox sa lungsod.
Ayon sa Bacolod-CHO, nasa stable na kalagayan na ang pasyente ng nasabing sakit at patuloy itong binabantayan sa isang health facility.
Sinabi ng CHO na katuwang ang Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital, nag-activate na sila ng mga protocol para maayos na mapangasiwaan ang sitwasyon at patuloy na matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Kasabay nito, siniguro ng bacolod city government na nakahanda na ang lahat ng mga inilatag nilang hakbang para matugunan ang pagkalat ng Mpox sa kanilang lugar.
Inaabisuhan na rin nila ang publiko na manatiling kalmado, maging malinis sa katawan, sundin ang mga health protocol, at magpakonsulta agad sa doktor kung may mga sintomas.
—sa panulat ni John Riz Calata