Madalas ay ang bride ang pinakahuling hinihintay na dumating sa kasal at ang kaniyang entrance ang isa sa pinakainaabangan ng mga bisita. Pero ang bride na ito sa Florida, paniguradong grand entrance talaga ang ginawa dahil na-late na nga ito sa mismo niyang kasal, pinahinto pa ng pulis dahil sa humaharurot nitong sasakyan papunta sa venue.
Kung nakahabol sa kasal ang bride, eto.
Sa isang video na in-upload ng Port St. Lucie Police Department, makikita ang isang sasakyan na pinahinto sa gilid ng Crosstown Expressway sa Florida dahil sa bilis ng takbo nito na umabot ng 105 miles per hour.
Kasunod nito ay ang paglapit ng pulis sa sasakyan kung saan makikita ang mga pasahero nito na isang babae at isang lalaki na kapwa bihis na bihis para sa isang okasyon.
Pagkalapit ay tinanong ng pulis ang mga pasahero ng, “whose wedding is it?” na siya namang sinagot ng bride na nakaupo sa passenger’s seat.
Panandalian pang nagtanong ang otoridad sa babae at doon napag-alaman na late na pala ito sa sarili nitong kasal.
2:30 PM nagsimula ang kasal ng babae pero makikita sa body cam footage ng pulis na 2:42 na ng hapon nang pahintuin ang mga ito sa gilid ng expressway.
Sa huli, hinayaan din ng understanding na pulis na makaalis at makahabol sa kasal ang bride pero nagbilin ito sa nagmamaneho ng sasakyan, na isa pala sa mga guests, na magkakaroon ito ng mandatory court appearance at binigyan ng petsa kung kailan ito pupunta sa korte.
Samantala, ayon sa The Denson Firm sa Florida, ang pagmamaneho ng higit 50 miles per hour o paglagpas sa speed limit ng mga highway sa nasabing lugar ay maaaring magresulta sa felony.
Kung ikaw ang bride, papayag ka rin ba na magkaaberya at ma-late ka sa kasal na matagal mong pinaghandaan?