Umapela sa OWWA o Overseas Workers Welfare Administration ang Migrante na huwag nang pahirapan pa sa pagkuha ng kanilang claims ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.
Ayon kay Gary Martinez, Chairman ng Migrante, iginigiit ng OWWA na tanging ang mga OFWs na nasa master list na inihanda ng embahada ng Pilipinas sa Saudi ang makakakuha ng P20,000 tulong ng pamahalaan at P6,000 para sa kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Martinez na nagkausap na sila ni Labor Secretary Bebot Bello at nagbigay na ito ng katiyakan sa kanila na bibigyan ng tulong kahit wala sa master list bastat naapektuhan ng kawalan ng trabaho sa saudi arabia.
Hanggang nitong Agosto 19 anya ay pumapalo pa lamang sa 27 porsyento ng pondong nakalaan para sa mga OFWs ang naipamahagi na ng OWWA o katumbas lamang ng 6,000 OFWs.
Bahagi ng pahayag ni Gary Martinez ng Migrante
Veloso’s case
Samantala, umaasa ang pamilya Veloso at ang grupong Migrante na magbubunga ng positibo para sa kaso ni Mary Jane Veloso ang nakatakdang pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Indonesia.
Ayon kay Gary Martinez, Chairman ng Migrante, sama-sama silang mananalangin na mabigyan na ng clemency si Mary Jane kasabay ng pagtungo doon ng Pangulo sa September 8 at 9.
Sinabi ni Martinez na ang pagtungo ng Pangulo sa Indonesia ay pagpapakita lamang na mayroon siyang political will.
Matatandaan na si Veloso ay nahatulan ng bitay dahil sa kasong drug trafficking subalit ipinagpaliban ng Indonesian government ang pagpapatupad ng parusa habang dinidinig pa ang kaso ng mga nag-recruit sa kanya papunta ng Indonesia.
Bahagi ng pahayag ni Gary Martinez ng Migrante
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas