Pinayuhan ni Kontra-Daya Convenor at Professor Danilo Arao si Leyte 4th District Rep. Richard Gomez na mag-public apology matapos nitong akusahan ang ilang media outlets na nasa likod ng media spin laban sa kanya at kaladkarin sa isyu ng flood control projects.
Ayon kay Professor Arao, dapat malaman ni Rep. Gomez ang trabaho ng mga mamamahayag at dapat itong sumailalim sa media literacy training.
Sumasalamin aniya ang ginawa ng mambabatas sa kagustuhan ng ilang makapangyarihan na kontrolin at manipulahin ang kalayaan sa pamamahayag.
Kaugnay nito, nilinaw ni Prof. Arao na normal lamang sa mga news media organizations ang pagsasagawa ng news gathering at pagkakaroon ng pare-parehong paksa, taliwas sa akusasyon ng kongresista na nagsasabwatan ang mga ito para siraan siya.