Pinarerepaso at pinaiimbestigahan na rin ni Secretary of Justice Vitaliano Aguirre ang mga miyembro ng NPS o National Prosecution Service gayundin ang kanilang naging desisyon.
Ito’y makaraang ibasura ng NPS ang illegal drug case laban sa tatlong bigtime druglords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at 20 iba pa.
Paliwanag pa ni Aguirre, batay sa kanilang proseso ng pag-iimbestiga sa isang kaso, dalawang lebel aniya ng dinaraanan nito bago tuluyang maisapinal.
“Tama po si Reyes na wala silang obligasyon o katungkulan na tumanggap ng pagbi-build up ng isang kaso. Simple lang ang reason niyan eh. Once na tumulong kami, nawala na yung impartiality. So halimbawa tumulong kami, sasabihin namin doon sa mga prosecutor na ‘’uy, diba nagkaroon na ito ng admission during the senate hearing?’’ Hindi po namin maaring gawin yun at ganun din po naman ay hindi rin po naming pwedeng tulungan yung dipensa. Ang dapat po niyan, yan po ay kanya kanyang obligasyon ng kanyang kanyang abogado.”
Giit ni Aguirre, hindi niya kontrolado ang NPS o ang National Prosecutor Service dahil independiyente o malaya itong gumagalaw at makapagpapasya sa isang kaso.
Naniniwala rin si Aguirre na tila may sumasabotahe sa kanilang mga hakbang para pasamain ang kanilang pangalan sa publiko at sirain ang war on drugs ng administrasyon.
“Ang sa akin po ay hindi ako naniniwala na yung aking mga piscal ay merong mga violation of law na na commit but because of magnitude of the outrage, para lang sabihin ko sa madla na walang itinatago rito, duly merong justification doon sa dismissal, I’m going to have the NBI to investigate the panel kung ano man ang nangyari rito. Bakit nila ia-ano samantalang alam nila na this case, even assuming that the he deny the motion for reconsideration, it will be automatically reviewed. Kaya ito masyadong pre-mature ito e,. Actually that was leaked with bad intention to put us in bad light.”