Posibleng tanggalin na ng mga lokal na pamahalaan na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) ang age restrictions para sa mga turista na 15 taong gulang pababa at 65 taong gulang pataas.
Ngunit batay sa ipinalabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), dapat ikonsulta muna ng mga local government units (LGU’s) sa Department of Tourism (DOT), Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local government (DILG) ang magiging desisyon nila sa usapin.
Samantala, base pa rin sa nabanggit na IATF resolution, maaari na umanong payagan ang mga crew ng eroplano na pumasok sa isang lugar o tumuloy sa mga hotel sa panahon ng kalamidad o sakuna tulad ng bagyo, volcanic activities, pagkaka-divert ng biyahe, emergency landings, at iba pang pangyayaring hindi inaasahan.
Ayon sa IATF, dapat exempted ang airline crew sa test-upon-arrival requirement at maaaring payagang manatili sa isang lugar o hotel sa pamamagitan ng isang “bubble concept” na pamamahalaan ng LGU.