Handa ang Armed Forces of the Philippines na umalalay sa pagpapauwi ng mga Pilipinong naiipit sa tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ito ang tiniyak ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, kasabay ng pagsasabing nakatuon na ang kanilang atensyon sa pagtulong sa pamahalaan upang masigurong ligtas ang mga Pilipinong nasa israel at iran.
Kaugnay nito, sinabi ni Col. Padilla na handa na sila sa posibleng repatriation o pagpapauwi sa mga Pilipino kung kinakailangan.
Tiniyak din ng AFP Official na handa silang tumugon anumang oras, alinsunod sa mga utos at direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Masusi na rin aniya nilang binabantayan ang sitwasyon ngayon sa gitnang silangan, partikular na sa Israel at Iran.