Sa panahon ngayon, tila isa nang malaking challenge ang tumagal sa trabaho, pero ang babaeng ito mula sa Japan, mahigit animnapung taon nang nagsisilbi sa isang kumpanya at nabigyan pa ng parangal ng Guinness World Record.
Ang kwento ng dedicated na empleyado na ito, eto.
Taong 2021 nang pagkalooban ng Guinness World Record ang noo’y 90-anyos na si Yasuko Tamaki mula sa Japan bilang oldest office manager.
1956 pa nang magsimulang magtrabaho si Tamaki sa trading company na Sunco Industries. Pero kahit may katandaan na, pumapasok pa rin ito mula alas nuwebe ng umaga hanggang alas singko ng hapon sa loob ng limang araw kada linggo.
Dahil sa haba ng experience at lawak ng kaalaman ni Tamaki sa nasabing kumpanya, tinutulungan niyang magsanay ang mga bago at nakababata nilang empleyado.
Na-promote at naging Section Chief si Tamaki sa edad na 40. Pagdating naman ng 67-year-old, natuto ito na gumamit ng computer sa trabaho. Hindi rin ito tumigil sa pag-aaral at kumuha pa ng certification sa edad sa 86 para patuloy na i-challenge ang kaniyang isip.
Nang matanggap ni Tamaki ang certificate mula sa Guinness World Record, sinabi nito na ginagawa niya lang naman ang kaniyang trabaho at talagang naantig siya sa ipinagkaloob sa kaniya na recognition.
Samantala, sinabi naman ni Tamaki na naniniwala siya na ipinanganak siya para tumulong sa ibang tao. Lifelong goal niya rin daw na pasayahin ang chairman, managers, at iba pa niyang mga kasamahan sa trabaho, at wala rin siyang balak mag-retire mula rito.
Sa mga masisipag at ganadong-ganado magtrabaho diyan, hinahangad niyo ba na makatanggap ng award dahil sa pagiging dedicated niyo?