Muling ipagpapatuloy ng House Committee on Justice ang pagdinig nito sa determination of probable cause hinggil sa inihaing impeachment laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Nobyembre 27 o Lunes ng susunod linggo.
Ito’y makaraang pito pa lamang sa 27 mga alegasyon ni Atty. Lorenzo Gadon ang natalakay sa isinagawang pagdinig ng komite kahapon na inabot ng mahigit siyam na oras.
Kabilang sa mga tinalakay na argumento ni Gadon ay ang pamemeke umano ng isang resolusyon na bubuhay sa Regional Court Administrator’s Office sa Region 7 na hindi naman dumaan sa Supreme Court en Banc.
Gayundin ang ginawang pagbaliktad umano ni Sereno sa inilabas na TRO o Temporary Restraining Order para sa Senior Citizen’s Partylist at ang resolusyong inilabas umano ni Sereno na humihiling sa executive branch na imbestigahan ang apat na hukom na sangkot sa narco – list nito.
Kasama rin sa mga tinalakay na argumento ang umano’y pagkaka-antala sa paglalabas ng benepisyo para sa mga retiradong hukom maging sa mga asawa ng mga yumao nang mahistrado gayundin ang mabagal na pag-aksyon ni Sereno sa hirit ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ilipat sa Maynila mula Iligan City ang mga kaso na may kinalaman sa Maute terror group.
Hinimay din sa pagdinig ang mga umano’y tagong yaman ni Sereno na hindi deklarado sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth o SALN at ang ginawang pagmamanipula umano ni Sereno sa nominasyon ni dating Solicitor GENERAL francis Jardeleza bilang Associate justice ng High Tribunal.