Apat pang pasahero ang nahaharap sa illegal possession of ammunition matapos mahulihan ng bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kinilala ang 4 na sina Santiago Peñaflorida, 77-taon; Marilou Rose Espinola; Rowena Otic at Milagrosa Cadiente.
Gayunman, tanging ang anak na babae ni Peñaflorida ang nanindigang itinanim lamang ang bala sa bagahe.
Ayon sa Aviation Security Group-National Capital Region, ang nakatatandang Peñaflorida ay pasahero ng Philippine Airlines Flight patungong Los Angeles, sa America.
Dakong ala-6:00 kagabi nang harangin sa initial security screening checkpoint ng NAIA Terminal 2 ang Filipino-American matapos makita ng isang personnel ng DOTC-Office for Transportation Security sa x-ray scanner monitor ang tila isang bala sa kanyang naka-lock na backpack.
Dahil dito, inakusahan ng anak ng pasahero DOTC-OTS personnel na naglagay ng bala sa bag at iginiit na wala namang na-detect na ammunition nang dumaan ang bagahe sa Iloilo Airport.
New baggage handling procedure
Samantala, nagpatupad na ng bagong baggage handling procedures ang Department of Transportation and Communications sa Ninoy Aquino International Airport sa gitna ng umano’y tanim-bala modus.
Ayon kay Transportation and Communications Secretary Joseph Abaya, kasabay ng isinasagawang imbestigasyon ay nais nilang matiyak na masasawata ang tanim-bala modus kung mayroon man.
Sinimulan na anyang ilagay ng mga karagdagang closed circuit television camera sa mga screening stations at maglalagay din ng mas malalaking warning sign hinggil sa pagdadala ng ammunition.
Tiniyak din ni Abaya na nakatutok ang gobyerno partikular ang kagawaran sa sitwasyon.
By Drew Nacino