Monthly Archives
July 2025
Pinatay ng ISIS-Maute group ang anim (6) na hostage nito matapos na tumangging makipaglaban sa mga sundalo.
Ayon kay 1st Infantry Battalion Commander Lt. Col Christopher Tampus, ito ang ibinahagi ng tatlong nakatakas na hostage ng Maute noong Hunyo 29.
Wala aniyang magawa ang mga bihag nang pagbabarilin ang anim (6) sa kanilang harapan kaya naman kahit anong iutos ng mga terorista ay kanilang sinusunod hanggang sa nagkaroon na sila ng pagkakataon na makatakas.
Una nang sinabi ng iba pang nakatakas na bihag pinagbabantaan silang papatayin kung hindi sila magnakaw at hahawak ng baril.
Minor recruits
Inuutusan umano ng Maute terror group ang mga menor de edad nilang mga miyembro na mamugot ng isa nilang target bilang bahagi ng kanilang initiation rites.
Ito’y makaraang ibunyag ng isang 17-anyos na miyembro ng teroristang grupo na naaresto kamakailan ng mga awtoridad sa kasagsagan ng bakbakan sa lungsod.
Kuwento ni Fahad, di niya tunay na pangalan, nahikayat umano sila ng grupo na sumama sa isang jihad dahil sa maraming babaeng Muslim umano ang pinatay ng militar sa kanilang lugar.
Pinangakuan din sila ng labing limang libong piso (P15,000) kada buwan kapag umanib umano ang mga kabataan sa Maute group at madaragdagan pa ito ng limang libong piso (P5,000) kapag naka-graduate umano sila sa pagsasanay.
Naging bahagi si Fahad ng logistics group ng Maute na nagsusuplay ng mga bala sa pamumuno ni Usman Maute na pinsan ng isa sa Maute brothers na si Abdullah.
Peace advocate group
Samantala, nababahala naman ang isang grupo sa paggamit ng mga terorista sa mga kabataan para lumahok sa panggugulo, karahasan at terorismo.
Ito’y makaraang ibunyag ng naarestong menor de edad na miyembro ng maute ang ginawang pagpapalaya sa kanila para ipagpatuloy ang mga nasimulan ng teroristang grupo.
Ayon kay Ba-i Rohaniza Sumndad-Usman, Executive Director ng Teach Peace, Build Peace Movement, hindi maitatago ang katotohanan na bantad sa karahasan at kawalan ng katarungan ang mga kabataan sa Mindanao.
Ito aniya ang dahilan kaya’t kinakailangang paigtingin ang edukasyon para sa mga kabataan sa rehiyon upang hindi na sila masilo o malinlang sa mga maling prinsipyo na ipinakakalat ng mga teroristang grupo.
By Rianne Briones / Jaymark Dagala
6 pang hostage pinatay na umano ng Maute group was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882
Tinatayang nasa pitongdaang (700) mga miyembro ng Maute terrorist group ang nakatakas sa Marawi City sa kasagsagan ng bakbakan sa pagitan nila at ng mga tropa ng pamahalaan.
Ito ang pag-amin ni Joint Task Force Marawi Spokesperson Lt. Col. Jo-Ar Herrera makaraang tanungin kung bakit umabot na lamang sa walumpu (80) mula sa pitongdaang (700) Maute members ang nananatili ngayon sa lugar gayung nasa mahigit tatlongdaan (300) lamang sa mga ito ang napapatay ng militar.
Ayon kay Herrera, posible aniya kasing nakatakas ang mga ito sa pamamagitan ng pagdaan sa Lake Lanao o di kaya’y nagpanggap na mga bakwit patungo sa mga karatig lugar ng Marawi.
Sa kabila nito, tiniyak ni Herrera na sa una hanggang ikalawang linggo lamang ng bakbakan naging matagumpay ang ginawang pagtakas ng mga terorista dahil iyon aniya ang kasagsagan ng paglilikas sa mga residente.
By Jaymark Dagala
AFP umaming maraming Maute na ang nakatakas sa Marawi was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882
Nakatakdang magpulong ang Malacañang at mga senador anumang araw ngayong linggo.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang balak na bawiin ang deklarasyon ng Martial Law bago ang kanyang SONA o State of the Nation Address.
Ayon kay Majority Floor Leader Tito Sotto, mismong ang Malacañang ang tumawag sa kanya para humiling ng meeting sa Senado para pag-usapan ang sitwasyon sa Mindanao.
Ngunit hindi pa aniya malinaw kung dito na hihirit si Pangulong Rodrigo Duterte ng extension sa idineklarang Martial Law sa Mindanao.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Tito Sotto
House Speaker
Samantala, isinusulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez na palawigin hanggang limang taon ang pagpapairal ng Martial Law sa buong Mindanao.
Ayon kay Alvarez, ito ay para bigyan ng sapat na panahon si Pangulong Rodrigo Duterte na masawata ang problema sa terorismo at insurgency sa natitirang limang taon nito sa puwesto.
Aniya, kukumbinsihin niya ang kanyang mga kapwa mamabatas na isulong na gawing hanggang 2022 ang Batas Militar sa Mindanao dahil kulang aniya ang dalawang buwan na pag-iral nito.
By Rianne Briones
Martial Law sa Mindanao posibleng palawigin pa was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882
Isinugod sa ospital ang singer-actress na si Jolina Magdangal matapos na masaktan nang salpukin ng isang van ang sinasakyan nitong SUV sa East Avenue, Quezon City.
Ayon kay Olry Sibulino, drayber ng aktres, ihahatid niya si Jolina kasama ang asawa nitong si Mark Escueta at tatlong taong gulang na anak sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA para sa kanilang flight patungong Hong Kong nang mangyari ang aksidente.
Nakahinto aniya sila sa stop light sa tapat ng Philippine Heart Center nang bigla na lamang salpukin ang kanilang sasakyang itim na Montero ng puting Nissan Urvan na minamaneho naman ng isang Peter Sevilla.
Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon pa ng halos 50 metro ang sasakyan ng aktres at nagkawasak-wasak pa ang likurang bahagi nito.
Agad na isinugod sa St. Luke’s Medical Center si Magdangal matapos na magtamo ng may kalakihang bukol sa ulo.
Aminado naman ang drayber ng Urvan na nakaidlip siya kaya siya sumalpok sa sasakyan ng aktres.
By Rianne Briones / ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)
Jolina Magdangal naaksidente sa Quezon City was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882
Tuluyan nang nabawi ng Iraqi Forces ang bayan ng Mosul sa Iraq mula sa puwersa ng Islamist militant group na ISIS matapos ang tatlong taong pagkubkob nito.
Kasunod nito, nagpasalamat si Iraqi Prime Minister Haider Al-Abadi sa mga magigiting na sundalo ng Iraq gayundin sa mga mamamayan nito sa tagumpay na kanilang tinamasa.
Gayunman, sinasabing may ilang kabahayan pa rin sa Mosul ang nananatiling kontrolado pa rin ng ISIS bagama’t sinasabing mahina na lamang ang puwersa nito kumpara sa dati.
Magugunitang taong 2014 nang tuluyang bumagsak sa kamay ng mga terorista ang Mosul kung saan, dumanas ng matinding paghihirap at kamatayan ang mga mamamayan nito sa kamay ng Islamic State.
By Jaymark Dagala
Bayan ng Mosul sa Iraq tuluyan nang nabawi sa kamay ng ISIS was last modified: July 10th, 2017 by DWIZ 882
Daan-daang residente sa ilang bahagi ng Leyte na tinamaan ng magnitude 6.5 ang napilitang manatili sa mga tent o evacuation center bunsod ng mga nararamdamang aftershock.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, kabilang sa mga apektado ang nasa 500 residente ng Barangay Milagro, Ormoc City.
Umaapela naman ng relief goods lalo ng malinis na inuming tubig ang mga evacuee.
Samantala, nasa 1700 kabahayan ang bahagyang napinsala habang tinatayang pitundaang bahay ang nawasak sa mga apektadong lugar.
By: Drew Nacino
Mga residente ng Ormoc nananatili sa mga tent center dahil sa mga aftershocks was last modified: July 9th, 2017 by DWIZ 882
Nagpaabot ng pagbati ang Malakanyang sa pagkakahalal bilang Bagong Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ni Davao Archbishop Romula Valles.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pagkakahalal kay Valles ay senyales ng isang bagong umaga ng kapayapaan para sa bansa.
Nagsilbi si Valles bilang Arsobispo sa Mindanao sa loob ng Apat na dekada na maaaring maging daan para sa pagtataguyod ng interfaith dialogue at intercultural understanding bilang bahagi ng pagsisikap na ibangon ang Marawi tungo sa panibagong Mindanao.
Umaasa anya ang Duterte Administration na magiging bukas ang bagong pamunuan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa pakikipag-dayalogo at pakikipagtulungan sa gobyerno lalo para sa kapakanan ng mga mahirap.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping
Malacañang nagpaabot ng pagbati sa bagong pamunuan ng CBCP was last modified: July 9th, 2017 by DWIZ 882
Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Chairman ng Dangerous Drugs Board si dating Philippine Drug Enforcement Agency Director-General Dionisio Santiago kapalit ni Benjamin Reyes.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, ang pagkakatalaga kay Santiago sa drugs board at pagbabalik gobyerno nito ay malaking tulong sa kampanya kontra droga ng Pangulo at mithing makamit ang Drug-Free Philippines.
Hindi anya matatawaran ang husay at adbokasiya ni Santiago sa paglaban sa iligal na droga na naging plataporma ni Pangulong Duterte noong tumakbo ito sa 2016 Presidential Elections.
Magugunitang sinibak ni Duterte si Reyes dahil sa taliwas nitong pahayag hinggil sa bilang ng mga drug addict sa bansa na 1.8 milyong gayong ang ipina-pangalandakan ng punong ehekutibo ay nasa 4 na milyon.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping
Dating PDEA Dir.-Gen. Santiago itinalaga ng Pangulo sa Dangerous Drug Board was last modified: July 9th, 2017 by DWIZ 882
Isinasailalim na sa testing ng National Grid Corporation of the Philippines ang Ormoc Substation bago tuluyang maging operational ilang araw matapos ang pagtama ng magnitude 6.5 na lindol sa Leyte.
Ayon kay N.G.C.P. Spokesperson, Atty. Cynthia Alabanza, natapos na nila ang testing ng Tabango-Ormoc bypass line na magsu-supply ng kuryente sa Leyte, Cebu, Bohol at Biliran.
Operational na rin anya ang Bohol Electric Cooperative at nagsusupply na ng kuryente sa mga bayan ng Antiquera, Panglao, Loay, Maribojoc at Tubigon.
Tiniyak naman ng N.G.C.P. sa publiko na patuloy nilang tinututukan ang sitwasyon upang maibalik ang power supply sa mga apektadong lugar.
By: Drew Nacino
Ormoc Electric Sub station isinasailalim na sa testing ng NGCP was last modified: July 9th, 2017 by DWIZ 882