Kailangang maging laging handa ang mga Pilipino sa anumang sakuna tulad ng lindol kahit nasa panahon pa ng pandemiya.
Ito ang binigyang diin ni Office of the Civil Defense o OCD Officer-In-Charge ASec. Hernando Caraig Jr nang pangunahan nito ang 1st Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill ngayong araw.
Ani Caraig, walang pinipiling panahon o oras ang lindol partikular na ang paggalaw ng west valley fault na siyang magiging sanhi ng pagtama ng the big one kaya’t mahalagang alam ng lahat ang mga dapat gawin.
Sa panig naman ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology Usec. Renato Solidum, sinabi nito na subok na epektibo ang pagsasagawa ng ganitong aktibidad upang paalalahanan ang publiko bilang paghahanda.
Bago pangunahan ang ceremonial pressing of the button, hinikayat ni OCD Chairman at Defense Sec. Delfin Lorenzana ang publiko na dapat patatagin pa ng mga Pilipino ang kanilang kahandaan upang maiwasan ang mga casualties sa tuwing darating ang kalamidad o sakuna.
Ganap na alas-9 kanina, sabay-sabay na nagduck, cover and hold ang lahat ng mga tanggapan ng Pamahalaan at pribadong sektor habang isinasahimpapawid ang virtual drill na napanood sa social media pages ng OCD at ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)