Ligtas nang nakabalik sa bansa ang labing-pitong Pinoy na nabiktima ng human trafficking sa Malaysia.
Ayon sa Bureau of Immigration, inamin ng mga biktima na lumabas sila ng bansa sa pamamagitan ng isang “backdoor route” o illegal migration corridor sa Jolo, Sulu.
Kabilang sa mga biktima ang isang pamilya na may apat na miyembro na umalis ng bansa noong 2023 at pumasok sa Malaysia sa pamamagitan ng illegal passage via speedboat.
Isang illegal recruiter anila ang nag-alok ng trabaho sa ama bilang isang plantation farmer sa isang palm oil company na may monthly salary na 2,000 Malaysian ringgit.
Kalauna’y sumunod sa kanya ang mga miyembro ng pamilya, ngunit humingi ng tulong mula sa Philippine authorities makaraang makaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang employer.
Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang mga pinauwing biktima para makatanggap ng tulong at debriefing.— sa panulat ni Mark Terrence Molave




