Arestado ang 17 katao na hinihinalang sangkot sa vote buying operation sa Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Sa ulat ng pulisya, nakuha sa mga suspek ang ilang envelopes na naglalaman ang bawat isa ng mga balota, listahan ng mga kandidato at cash na nagkakahalaga ng P300 hanggang P500.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Major General Guillermo Eleazar, ikinasa nila ang operasyon laban sa mga suspek nang makatanggap sila ng sumbong mula sa di nagpakilalang concerned citizen.
Anim sa mga naaresto ang dawit sa vote buying, habang ang iba ay sinasabing tumatanggap ng pera kapalit ng kanilang boto para sa isang kandidato.
Pahayag ni Eleazar, dahil sa ibinabang direktiba ng chief PNP na bumuo ng task force kontra-bayad, makakaasa aniya ang publiko na agad na aaksyunan ng mga otoridad ang anumang idudulog sa kanilang sumbong hinggil sa mga kaso ng vote buying sa Metro Manila.